Lunes, Oktubre 17, 2011

Sulat ng Isang Mangmang

"Sino nga lang ba ang may karapatang magsulat?" Ito ang laging tanong ko sa aking sarili.

Ilang beses na akong nagtangkang sumali sa mga organisasyon sa aming paaralan. Mga organisasyong may kinalaman sa pagsusulat; hindi ako sumasali dahil gusto kong magsulat kundi dahil sa gusto kong magkwento. Ngunit mapait talaga ang tadhana para sa akin, kung gaano kadami ang pagsubok ko upang maging journalist ay ganoon din kadami ang pagmamata sa akin ng aking mga 'ka-klase'.

Hindi ako magaling magsulat, dahil hindi organisado ang aking utak. Hindi nila maintindihan kung ano ang gusto kong sabihin at iparating, pero nandoon naman daw ang idea ko. Ayoko mang tanggapin ang mga sinasabi nila, pero tama. Mahirap akong intindihin, ni sarili ko nga'y hindi ko magawang maintindihan. Kaya sa bandang huli ako'y ngumiti nalang at sinabi sa sarili na "Tama na, masakit na pala." Daig ko pa ang mawalan ng girl friend sa mga panahong iyon, pilit na tinatanggap ng aking kalooban at pilit iniintindi ng maliit na karne sa aking ulo ang mga sinabi nila sa akin. Siguro nga'y hindi para sa akin ang pasusulat dahil ang talagang talento ko ay ang pagpinta at pagdrawing. Pero nagtry din akong maging cartoonist sa dyaryo namin ngunit ganoon padin. (Mas sumakit pa ang aking heart ngayon, grabe naman kasi kaisa-isang talento ko na yun nareject pa din! Sa dami ba namang magagaling na kalaban sa audition.)

"Nagmana ang mga kamay mo sa kamay ng iyong ama", sabi iyon ng aking lola habang nanonood ng Rated K at nagduduyan. Ngumiti ako sa aking lola noong mga panahong iyon. tumaba ang puso ko, hindi dahil sa chicharong kinakain ko kundi dahil sa na-appreciate nya ang galing ko. Noon nga sabi ko sa aking sarili na BA FineArts kukunin kong kurso sa kolehiyo. Pero noong nabanggit ko sa aking ama itong plano ko, sabi nya na wala naman daw akong kinabukasan doon, bibihira ang sweldo. Masakit man, pero simula noong sinabi nya sa akin iyon ay tinanggal ko na sa aking sarili ang pagpa-FineArts.

Ang bitter ko...
Ang bitter ko talaga...
Ang bitter ko talaga sa pagsulat at pagdrawing...
.
.
...Ayoko na munang mangarap!


Pumasa ako sa entrance exam sa isang kilalang unibersidad dito sa Pilipinas. Malayo sa pagsulat at pagdrawing ang kursong kinukuha ko ngayon. Para maiwasan ang sakit na dulot ng kahapon. Pero akala ko lang yun. Walang akong kawala sa mga bagay na kinahiligan ko- ang pagsulat at pagdrawing. Dahil bukod sa maraming papers ang kailangang gawin at ipasa...ay may isang event sa unibersidad na yun kung saan dumalo ang aking idolong komikero. Nabuhay ang aking patay na pangarap, gumising ang aking utak, tumibok muli ang aking puso. Gusto kong tuparin ang aking mga pangarap ngunit huli na. Sinimulan ko nang pasukin ang kursong ito at sayang naman ang mga oras at effort na nagamit ko. Kung sana'y ipinaglaban ko ang aking kagustuhan, baka maintindihan pa ng aking ama.

Maggagawa nalang ako ng komiks...nobela...o kahit ano pa yan. Tapos ipapapublish ko ito...papatunayan ko sa mga nagmata sa akin noong high school na kayang kong magsulat na maiintidihan nila ang lahat ng nais kong iparating.*Evil Laugh* Buong lakas ko itong sinabi  sa aking sarili, at buong tibay ko itong paninidigan.

Kasabay ng pagsabak ko sa ikalawang taon ko sa college ay ang pagsungkit ko rin sa aking mga pangarap. Unti-unti kong tinatapos ang unang librong gusto kong mailathala sa madla.

Sabi nga ni Steve Jobs, "BECAUSE THE PEOPLE WHO ARE CRAZY ENOUGH TO THINK THEY CAN CHANGE THE WORLD ARE THE ONES WHO DO." At naniniwala akong mababago ko ang mundo kung saan hindi lang ang magagaling magsulat ang maaaring magsulat at makapaglathala ng libro. Isang pantay na pagtingin sa lahat ng tao.


Lahat tayo may idea sa ating mga utak kaya gusto nating magkwento. Magkwento hindi lang sa mga kaibigang malapit sa atin o sa mga kaibigan sa facebook kundi makipagkwentuhan sa buong tao sa buong mundo.